Ayon sa TV5 head for Creative and Entertainment na si Perci Intalan, mapapanood pa rin si Mo Twister sa showbiz talk show na Paparazzi this Sunday, June 6. Hindi na nga lang nakapag-taping si Mo ng nightly showbiz magazine talk show ng TV5 na Juicy dahil sa temporary restraining order (TRO) na hinihingi ng GMA-7 kaugnay ng isinampa nitong breach of contract lawsuit laban kay Mo at sa TV5.

TV5 stands  by Mo Twister on GMA-7's case against him

Matatandaang nagsampa ng P4-million breach of contract case ang GMA Network dahil lumipat si Mo sa TV5 gayong may live contract pa raw ang TV host-DJ sa Kapuso network hanggang next year.

Ayon kay Perci, “Yes, as far he’s concerned, oo. Unless totoo yung TRO.  Hinihintay namin kung meron ngang TRO o wala. May kumakalat kasing tsismis na mati-TRO raw e…baka sumabit tayo. And in fairness naman kay Mo, siya yung nagsabi na huwag na siyang mag-taping [ng Juicy].”

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Perci sa presscon ng Paparazzi kahapon, June 1, sa Alfredo’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Ayon sa balita, 20 days daw ang itatagal ng TRO kung sakaling i-serve ito ng korte kay Mo. Nangangahulugan ba itong 20 days na hindi makakapagtrabaho sa dalawang shows niya sa TV5 ang TV host-radio jock?

“Oo nga daw, e,” sabi ni Perci. “Although sabi ko sa Legal [department], ‘Do you think it’s likely na ma-issue?’ Nag-advice nga sa akin na let’s play it by ear obviously, pero medyo sensitive ito dahil kabuhayan ng tao ang pinag-uusapan, lost of income. Baka mas inclined yung magsi-serve na tingnan muna yung merits no’ng case, kunyari isang palabas ang naipapalabas. Medyo cold. Pero ito, hindi, e, may isang person involved.”

Suportado raw ng TV network si Mo sa kanyang laban sa Kapuso network.

“Obviously, we stand by him. And kausap namin siya regularly at kausap ng Legal namin yung lawyer niya. So, hindi namin siya iiwan dito. Sabi ko nga na obviously, we engaged his services so both parties, parang willingly went into this relationship,” saad ni Perci.

Hindi pa masagot ni Intalan ang posibilidad na bilhin ang contract ni Mo sa GMA-7.

“Well, hintayin ko ang advice ng legal kung ano ang next step,” sabi niya.

Worth ba si Mo na bilhin ang kontrata nito mula sa dating pinaglilingkurang network?

“Ayokong sabihing to buy out the contract is the only course of action dahil magiging pera-perahan yung issue. Ang issue, ipinaglalaban mo ang something that is right. But if Legal tells me that yun lang ang only recourse, e, di that means we exhausted all other options,” paliwanag ni Perci.

Hindi man diretsahang sinasabi ni Perci, pero naniniwala siyang malulusutan ni Mo ang kaso niya.

“Ako kasi, at the end of the day, you have somebody na… Eto ha, this is me lang. You know, we can really say Mo waited until May 3. He appeared on Showbiz Central until his contract finished. So, kung talagang gusto niyang i-violate yun at kung talagang wala kang pakialam sa kontrata, he wouldn’t have waited.

“Nag-launch yung mga shows namin, Easter e. Hindi ‘Tara na, aalis ka rin diyan, di ba? Ayaw mo na diyan di ba? Alis na, tara na!’ E, si Mo, di ba, palaban ‘yan?’ Sa tingin niya, gusto na niya at ayaw na niya doon…and lumalabas na yung mga issues, di ba? Yung mga interviews sa kanya na he was saying na he’s not happy there [GMA-7] anymore. So, we waited. Ako, yun lang ang point ko, e. We obviously made an effort to honor the live contract,” saad ni Perci.

Ipinaliwanag din ni Perci ang rason kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa sila nag-i-issue ng official statement kaugnay sa kasong isinampa ng Kapuso Network laban kay Mo at sa TV5.

“Walang ano, e. I asked nga Legal, ‘What can we say?’ Sabi nila, we can’t comment on the case because it’s legal case. We can talk about what happened, yun nga, na we waited. Pero hindi kami puwedeng mag-comment about his options to renew, or whether it’s right or wrong, or merong legal basis o wala. Ang puwede lang naming sabihin na we have the right to engage his services.”

MO & RUFFA. Tinanong din ng PEP si Perci tungkol sa iba’t ibang issues na kinasasangkutan ng Paparazzi at mga host nito, partikular na sina Cristy Fermin, Ruffa Gutierrez, at Mo.

Isa na rito ang laglagan nina Mo at Ruffa sa mismong show. Hindi kaya maulit ang banggaan ng dalawa kapag nagkaroon ng pikunan dahil sa pambubuko nila sa isa’t isa tungkol sa kanilang private lives?

“Fortunately, hindi pa kami umaabot sa point na yun. Sana hindi,” sagot niya. “They are aware. No’ng kinausap namin sila, sinabi naming, ‘You are very opinionated people. Yun ang point kung bakit namin kayo kinuha, that we allow you to voice out your opinion. It could be good or bad things. It means, puwede kayong mag-clash. Ang ano ko lang pag nag-clash kayo, you have to agree to disagree. Alam ko magkaiba kayo ng opinion. Parang gaya ng The View sa States, it can be heated.’ At some point, baka kailangan na naming kausapin. At the end of the day, yun ang point kung bakit sila magkakasama e.”

Itinanggi naman ni Perci na ni-request daw ni Ruffa na tanggalin sa Paparazzi ang reaksiyon niya tungkol sa sinabi ni Mo na naiinis si Ruffa sa mga larawan ni Shaina na naka-display sa studio at gusto niyang ipatanggal ang mga ito sa set. Si Shaina ang nababalitang girlfriend ngayon ni John Lloyd Cruz, na na-link naman noon kay Ruffa.

Nasambit kasi ni Ruffa na baka isipin ng marami na nai-insecure siya kay Shaina. Matapos ang statement niya, sinundan agad niya ito ng reaksyon na “Eewww!”

THE COGIE DOMINGO INTERVIEW. Kinunan din namin ng reaksiyon si Perci sa opinyon ng iba na bitin daw ang interview ni Cristy Fermin kay Cogie Domingo sa Paparazzi noong nakaraang Linggo. Sa naturang interview ay hindi lang ang pag-amin ni Cogie sa naging relasyon daw nila ni Angel Locsin ang inilantad kundi umamin din ang aktor sa matagal nang balita tungkol sa pagkaka-link niya sa live-in partner ng isang kilala at kontrobersiyal na pulitiko.

Marami ang umaasang marami pang ikukuwento si Cogie sa isyung iyon at base sa obserbasyon ng mga nakapanood, pinaikli at pinutol na lang daw ang ibang bahagi ng interview ni Cristy.

Paliwanag ni Perci, “Actually, ang issue lang doon… Of course, apart from being overtime… Pero ako, satisfied naman ako sa what was left. Ako nga kasi, kung palalakihin pa siya uli, e, sarado na. Yun lang, kasi medyo nag-ingat lang kami kapag medyo political na.

“Ang sinasabi ko lang sa production team ng Paparazzi, ingat lang kayo pag hindi showbiz person. Kasi if you’re a showbiz person o artista ka, kumbaga, fair game ka to discuss. Pero pag kapatid ng artista at hindi talaga siya artista, mas kailangan lang to get their consent. Pag pulitika, parang gano’n na rin. Kasi pag tiga-showbiz ka, alam mo kung ano yung laro.”

CRISTY VS. KRIS. Hayagan naman ang mga pahayag ni Cristy tungkol sa pag-ayaw niya kay Kris Aquino na lagi niyang sinasabi sa Paparazzi at Juicy. Dating magkasama sa showbiz talk show ng ABS-CBN na The Buzz sina Kris at Cristy.

Dahil sa mga pahayag ni Cristy laban kay Kris, maaaring mapag-initan ang TV5 kapag naupo nang presidente ng Pilipinas ang kapatid ni Kris na si Senator Noynoy Aquino. Ano ang reaksiyon dito ni Perci?

“Well, you know. Una, na si President-elect Noynoy is gonna be the President, I mean if magiging issue ang pagsabi ng opinion then, di ba, it’s what’s his parents fought for, yung freedom.

“Ang big difference lang, if Kris is really leaving showbiz, then, kumbaga, yung pinag-uusapan natin kanina, kung showbiz ka, fair game ka for showbiz talk show. Kung hindi showbiz, medyo ingat ng konti na. Hindi na showbiz. Purposely, umalis na sa limelight yung tao, e.”

Hindi pa raw napag-uusapan nina Cristy at Perci ang tungkol dito hanggang hindi pa kumpirmado ang pag-alis ni Kris sa showbiz.

“Let’s wait until the end of June when she said she will leave. I mean, kung wala naman siyang gagawin, wala namang pag-uusapang bago. Pero I think everything that they want to talk about Kris, napag-usapan na rin. Kung mapapansin mo, hindi na madalas lumabas ang pangalan ni Kris.  Nong simula kasi ang dami niyang moves, ang daming statements,” sabi ng TV5 executive. REY PUMALOY – PEP

Advertisements