Nanawagan ngayon ang TV host at matagal nang kaibigan ni Nora Aunor na si German Moreno sa mga fans ng superstar na magpakahinahon sa isyung nasira umano ang boses ng singer-actress dahil sa isang cosmetic surgery procedure.

 

Inihayag ito ni Nora sa kanyang concert sa Toronto, Canada pero wala siyang binigay na detalye o dokumentadong reklamo.

Ayon kay Moreno, nagtataka siya sa pahayag ni Nora dahil nang huli niyang nakausap ito, sinabi umano nito sa kanya na kakailanganin niya ang six months na pahinga pagkatapos ng kanyang huling cosmetic surgery na ginawa sa Tokyo, Japan nung Pebrero 2010.

Nakakanta pa rin daw ang superstar sa isang concert sa Canada bago niya inihayag na nasira ang kanyang boses nung weekend.

Bukod sa pagiging best actress, binansagang “golden voice” ng Sine Pilipino si Nora Aunor dahil sa maganda niyang alto na tinig na nagpanalo sa kanya sa talent search na tawag ng tanghalan noong 60s.

Dagdag ni Kuya Germs, kung tutoo man ang akusasyon ni Nora, manunumbalik pa rin ang boses nito sa tamang pahinga at suporta ng beauty clinic na nagretoke sa kanya.

Dapat din daw antayin ng mga Noranian ang paglahad ng buong katotohanan sa isyu.

Tumangging magbigay ng pahayag ang negosyante at showbiz columnist na si Aster Amoyo na siyang nagtaguyod ng cosmetic enhancement ni Guy sa Japan dahil hindi direktang binanggit ni Nora ang face lift na ginawa sa kanya ng Shinagawa Lasik and Beauty Clinic.

Pero ayon sa legal opinions, kailangang i- file ni Nora ang anumang kaso laban sa beauty clinic sa Japan na may jurisdiction sa kaso.  

Ayon naman sa kumare ni Nora na si Batangas Governor Vilma Santos, naniniwala siyang maayos din ang gusot sa latest na kontrobersiya sa buhay ng superstar. -ABS-CBNnews

Advertisements