Nagkasagutan noong May 24 episode ng Showtime ang resident judge na si Vice Ganda at guest judge na si Tado Jimenez matapos magkomento ni Tado na hindi bumagay ang pangalan ng isang group of contestants (Lahi Ng Matatapang) sa kanilang production number dahil “parang pang-gay” daw ito. Mas lalo pang ikina-offend ni Vice ang statement shirt ni Tado na nagsasabing, ‘hindi bale nang magnakaw kaysa mamakla’ kaya hindi na nito napigilang ipagtanggol ang gay community as a whole. At ng pabirong humirit si Tado na, ‘Ang mga gipit sa bading kumakapit,’ sinagot naman ito ni Vice ng sarili niyang patutsada, ‘‘Pero ang gipit kung ganyan ang hitsura, walang baklang magpapakapit!”

Marami ang nabahala sa nangyaring insidente lalo pa’t mabilis na kumalat ang balita sa iba’t ibang social networking site. Mismong sa fan page ni Vice Ganda ay may mga nagpahayag ng kanilang suporta sa kanya pero mayroon ding hindi nagustuhan ang kanyang ginawa dahil tila lumalaki na raw ang ulo nito.

Kaya naman kaninang umaga sa Showtime, May 25, ay kaagad na humingi ng dispensa si Vice Ganda sa mga manonood dahil sa kanyang pagkakamaling nagawa. “Hanggang ngayon ay naninidigan ako na kailan man ay hindi magiging tama at hindi magiging mabuti ang pagnanakaw. Gayon pa man, ako din po ay nakagawa ng isang pagkakamali. Maaaring para sa akin po ay kasuklam-suklam ang pahayag ni Tado, ngunit hindi rin naman kahanga-hanga ang pagpapahayag ng damdamin ko kahapon dahil pinahayag ko ang aking paniniwala ng may kasamang galit at pagkapikon. At ’yang ugaling yan ay sadyang kasuklam-suklam din at hindi kapuri-puri.”

Pagkatapos ay humarap siya kay Tado para buong-pusong humingi ng tawad dahil sa mga masasakit na salitang binitiwan din niya. “Tado, nasaktan mo ng malalim ang damdamin ko ngunit nasaktan din naman kita sa mga ipinahayag ko kaya hayaan mong humingi ako ng paumanhin sayo.”

Binigyan din ng pagkakataon si Tado na magpahayag ng kanyang saloobin sa naturang isyu. “Ako po si Tado Jimenez at ako po ay humihingi ng paumanhin sa lahat ng salitang nabitawan ko na maaaring nakasakit ng damdamin at naka-offend sa inyong manonood partikular na sa gay society lalo na kay Vice Ganda. Muli po taos-puso po akong humihingi ng paumanhin. Magkasiyahan na po tayo Showtime.”

Dagdag pa ni Vice Ganda, hindi magandang nakikita sila ng mga taong hindi nagkakaunawaan lalo na sa telebisyon dahil ang main objective ng Showtime ay magpasaya ng mga Pilipino. “Let us all learn from this mistake, from this experience. Peace, peace, peace tayo Tado! Love, love love!”  -ABS-CBN

Advertisements