Sa tulong ni Kris Aquino ay nag-krus na sa wakas ang landas nina Comedy Concert Queen Ai Ai delas Alas at Pokwang na iniintriga noon na may hidwaan dahil pinagbabangga silang dalawa sa kung sino ang mas sikat.

 

Bilang mediator ay present si Aquino nang magkita ang dalawang komedyante sa isang restaurant. Pagbabahagi ni Pokwang, hindi raw siya agad nakapag-react nang sabihan siya ni Aquino na magkikita sila ni Delas Alas. Pero um-oo raw siya kahit na kinakabahan.

“Dream come true. Totoong idolo ko talaga [si Ai Ai],” pagbabalik-tanaw ni Pokwang.

Nang tanungin naman ni Aquino si Delas Alas kung ano ang nakita niyang nagustuhan niya kay Pokwang, sagot ng comedy queen, “’Yong pagiging nanay ko nakikita ko sa kanya. Nakita ko ngayong nagkita kami, nakita ko kung gaano siya kabait and ‘yong sincerity niya nakita ko and naiyak din ako sa kanya.”

Sinabi rin ni Aquino na bukod sa parehong mahusay na komedyante, kilala niya ang dalawa na prayoridad ang kani-kanilang pamilya at kaya pinagpapala ay dahil pareho silang maalaga sa kanilang mga ina.

Never pang nagsama sina Delas Alas at Pokwang sa isang proyekto at hindi raw malayo ang posibilad na magsama sila sa isang pelikula. Comedy horror ang gusto ni Delas Alas, samantalang gusto raw ni Pokwang na fantasy-horror-comedy na may pagka-action ang first project nila.

Bukod sa pagiging komedyante, marami ring things in common ang dalawa gaya ng pagiging single moms, at hindi masyadong masaya ang buhay pag-ibig.

Ang mensaheng ibinigay ni Delas Alas kay Pokwang: “Galingan mo pa rin sa ‘Wowowee,’ do your best. Gusto kong maging happy ka.”

Sagot naman ni Pokwang: “Bilang ikaw ang reyna ng iyong mga anak, reyna ng iyong pamilya, sana po kung ano ang wish n’yo sa kanila matupad at patuloy kitang magiging idol.” -ABS-CBN

Advertisements