Kinumpirma ng isang ABS-CBN insider na totoong may liham ang TV host na si Willie Revillame kay Gabby Lopez, ang chairman ng Kapamilya network, at Charo Santos Concio, ang presidente nito.

<strong>PEP EXCLUSIVE</strong>: Willie Revillame  "frustrated" with his own outburst but will stand his ground,  says ABS-CBN insider

Ang liham na may petsang Mayo 12, 2010, ay siya ring liham na unang lumabas noong May 21, sa Philippine Star, at nailathala dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon rin ng umaga. 

Ayon sa network insider, kasing-dramatiko raw ng nilalaman ng liham ang mga pangyayari sa likod nito.

“Frustrated” ang terminong ginamit ng insider upang ilarawan ang nararamdaman ni Willie magmula nang sumambulat ang galit niya sa TV hanggang sa kasalukuyan. Nare-recognize na raw ng TV host na ang pagkakasabog ng emosyon nito sa May 4 telecast ng Wowowee, ang noontime variety show na kanyang hino-host sa ABS-CBN, ay “mali” at “hindi dapat naging ganoon.”

“May mali,” paulit-ulit raw na sinasabi nito sa ilang kaibigang matalik. Hindi nga raw niya dapat “ginanoon ang ABS,” na parang hinamon na niya ng harap-harapan sa mata ng publiko.

Pero agad-agad ding pumapasok ang pagiging defensive ni Willie, ayon pa rin sa insider. Paulit-ulit din daw naririnig sa TV host ang: “Same network kami, pero inaatake ako. Pareho kaming talent dito, bakit ako binabanatan sa ere? ‘Tapos, pinapayagan lang ng ABS? Di ba dapat pinoprotektahan kaming mga talents? Nagpapakapagod kami rito, nagkakasakit, tapos papayagan nilang ganunin lang kami?”

Ang tinutukoy ni Willie ay ang ginawang pagbanat diumano sa kanya sa ere ng radio host at entertainment columnist na si Jobert Sucaldito. Ito raw ay tiniis niya ng isang taon na.

Matatandaang noong Mayo 4, nagbanta si Willie sa ABS-CBN management na magre-resign siya sa Wowowee kung hindi patatalsikin sa network si Jobert. Ayon kay Willie, isang taon na raw siyang tinitira ni Jobert sa radio program nito sa DZMM at sa kanyang mga kolum sa tabloid.

Kinabukasan, pagkatapos ng kanyang pagbabanta, nag-leave of absence si Willie mula sa Wowowee. Hanggang ngayong araw ay hindi pa siya bumabalik sa show. Pansamantala siyang pinalitan ng action star na si Robin Padilla.

Samantala, ang reaksyon ng mismong mga maka-Willie ay ganito: May nagsabing hindi dapat hinamon ni Willie ang studio bosses dahil para na niyang itinulak ang mga ito sa pader, kung saan wala silang choice kundi labanan siya. Sabi rin ng iba, mas nagawa sana niyang patalsikin si Jobert, na marami nang nasaktan, kung naging mas mahinahon at madunong ang banat niya. At sabi pa ng iba, ginawa pa niyang ka-level si Jobert, gayong ang layo naman daw ng lugar ng huli sa importansiya sa network.

Pagdating naman sa mga kontra-Willie, nagsulputan ang mga tweets at blogs at sites na hanggang ngayon ay pinaglalaruan ang host, binubuyo na huwag na ngang bumalik sa Wowowee, at sinabihang sumobra na ang kanyang kayabangan. Pasalamat nga raw sila at ngayon ay hindi na nila ito makikita.

DELAYED REACTION. Kaugnay nito, isa namang ABS-CBN insider pa ang nagsabi sa PEP na ipinakuha ng network management ang tape ng radio program ni Jobert, ang Showbiz Mismo, kung saan sinabing binanatan ng radio host si Willie sa ere.

Ayon kay Willie ay tinira ni Jobert ang kanyang show at ilang contestants nito noong mga huling linggo ng Abril ng taong ito. Nilait daw ng radio host ang Wowowee dahil ang kinuhang contestants ay mga high school students na ang average grade ay 75 hanggang 79.

Ngunit ayon pa rin sa insider, nang ma-review ng management ang tape, hindi nila nakitang pang-aatake ang mga komentaryo ng radio host. “Mahinahon” naman daw ang pagkakasabi ni Jobert ng kanyang opinyon, at “kinukuwestiyon” lang nito ang mga pamantayan ng pagpili ng contestants.

Sinabi pa ng insider na, ilang buwan bago nitong pag-iinit ng ulo ni Willie sa Wowowee, nakarating na sa management ang kanyang reklamo. Kaya nga raw pinatawag ng ABS-CBN management si Jobert at sinabihang tigilan na ang pagbanat sa kanilang mga artista. At dahil malaking tao na ng network ang nag-utos sa kaniya, nagdahan-dahan na raw si Jobert sa kanyang mga komentaryo.

Pero sinabi rin ng ABS-CBN insider na marami ngang nasabi at nasulat si Jobert nung nakaraan na maituturing na atake sa mga talents ng network. “Pero ilang months na siyang tumigil kasi nga kinausap na siya,” kuwento nito. Kaya hindi raw maintindihan ng management kung bakit ngayon pa pumutok ang butse ni Willie.

Ang basa dito ng ibang network executives, ayon sa source, ay posibleng may mga nagsulsol, o mali ang bulong, kay Willie tungkol sa sinabi ni Jobert. At dahil sobra ang pagod ni Willie sa pangangampanya nito para sa talunang presidential candidate na si Manny Villar sa katatapos na May 10 elections, di malayong mabigat ang dating kay Willie ng mga bulong. Alam sa network na sumasama sa mga overnight Villar sorties si Willie, at wala pang tulog ay magho-host na sa Wowowee, na tatlong oras ang haba.

THE “RELEASE ME” LETTER. Ilang araw matapos hamunin ni Willie ang ABS-CBN na magre-resign siya kung hindi nito patatalsikin si Jobert ay saka pa lamang ito nakapagmuni-muni sa kaniyang ginawa. Ito ay ayon sa unang ABS-CBN insider na naging source ng PEP.

Dito niya natanggap na naging mapusok siya at padalos-dalos ng pananalita, lalo na’t ang kaniyang pinagsalitaan ay mismong mga boss niya. Ayon sa insider, marami ring mga kakampi ang TV host na nangaral na sa kaniya. Diretsa nilang sinabing mali ang ginawang paghamon ng host sa network management. Hindi raw kasi binigyan ng host ng tamang respeto ang mga taong nagbibigay sa kaniya ng kabuhayan.

Dito na nagkaroon ng personal frustration ang TV host. Aminin man daw kasi niya sa sariling nagkamali siya, hindi rin daw niya kayang bumalik sa show kung naroon pa rin si Jobert. “Magmumukha daw siyang walang bayag,” pagsasalaysay ng insider. Baka isipin daw ng mga tao na wala siyang “isang salita” dahil hindi niya kayang panindigan ang tapang ng kanyang hamon.

Personal na komento ng insider: “Lost siya. Kung bumalik siya, wala siyang balls. Kung di siya bumalik, paano na raw ang mga kasamahan sa trabaho? May trabaho pa ba sila?”

Isa pang malaking isyu para sa TV host ay ang epekto ng pagbabalik niya sa network. Komento uli ng insider: “Paano na raw ang ABS? Sabi ni Willie, ‘Ang istasyon, mapapahiya ‘pag babalik ako. Imbis na mapahiya ang ABS, ako na lang.’”

Parang lose-lose situation na raw ito, ayon sa source. Hindi raw ito ang gustong mangyari ni Willie, ngunit doon na nga papunta. Ito raw ang dahilan kung bakit sa sulat niya sa ABS-CBN, hiningi ni Willie na “i-release” na siya bilang talent ng network.

Ayon pa rin sa source, isang top management meeting ang ipinatawag ng ABS-CBN upang pag-usapan ang bagong problema nila kay Willie: Bakit ganun si Willie at bakit sila hiniya nito? Bakit siya galit na galit? Yumabang na ba siya talaga? Hindi na ba siya natuto?

Sa naturang meeting, mas maraming executives ang galit na galit kay Willie. Para sa kanila, hindi na dapat siya amu-amuin pa, kahit na siya ay prized talent ng network. Ganunpaman, may isang executive daw ang mahigpit na nagtanggol kay Willie.

Ayon sa executive na ito, una, kung talagang binabanatan ni Jobert si Willie, mali diyan si Jobert at hindi dapat i-tolerate. May karapatan daw magalit si Willie. Bakit nga naman magtratrabaho na parang kalabaw ang isang talent para lait-laitin lang ng tiga-network din? Ano nga ba raw ang logic niyon? At kung matagal nang nangyayari ito, kahit natigil nitong huli, hindi nga naman nila naprotektahan ang kanilang talent.

Pangalawa, ano naman daw kung magyabang si Willie, e meron daw siyang ipagyayabang. Inilaban daw nito ang noontime programming ng Dos na isang institusyon na, at hindi niya binigo ang network. Binigyan niya ng mataas na ratings ito, isang bagay na hindi madaling gawin sapagkat ilang hits and misses na rin ang noontime programming ng network bago dumating ang Wowowee.

Pangatlo, totoong malaking pera ang kinikita ni Willie sa istasyon, pero mas malaki naman daw ang naipapasok nito sa istasyon. Ngunit higit sa lahat, ayon sa executive, nagawa daw ni Willie ang isang napakalaking bagay. Nailapit ni Willie ang masa sa ABS-CBN.

Hindi na binanggit ng source kung ano ang konklusyon ng top-level meeting. At wala rin daw siyang alam na itinakdang meeting sa pagitan ng ABS-CBN management at ni Willie. Naghihintay pa raw ng tawag si Willie mula kay Gabby Lopez, na nasa ibang bansa.

Samantala, isang official statement ang inilabas ng Corporate Communications ng ABS-CBN kahapon, Mayo 21, na nagsasabing may scheduled meeting na ang magkabilang kampo sa darating na linggo. Naiskedyul na raw ito bago pa man mailathala ang sulat ni Willie sa ABS-CBN kahapon.

HINDI ISYU ANG PERA. Sa gitna ng lahat, iginigiit ng ABS-CBN insider na “hindi isyu kay Willie ang pera.”

Aminado raw ang TV host na malaki talaga ang mawawala sa kanyang income, pero gugustuhin na raw niya ito kaysa magpatuloy pa ang gulong kinasasangkutan nito sa ngayon. 

Malinaw daw kay Willie na hindi siya puwedeng basta umalis sa ABS-CBN sa oras na gustuhin niya. Alam din daw niyang hindi siya maaaring magdikta sa management ng panibagong terms sa kalagitnaan ng kontrata. Kung ano raw kasi ang pagka-generous ng kontrata ay siya ring pagkahigpit nito. At sinasaad sa kontrata na may 18 months pang natitira si Willie sa ABS-CBN.

Ano na ang mga posibleng mangyari kung hindi pumayag ang ABS-CBN na pakawalan si Willie?

Ayon sa aming source, kung hindi siya pakakawalan ng management, walang choice si Willie kundi bumalik sa network at mag-host muli ng Wowowee.

Kung magmatigas si Willie at hindi mag-host, maaari siyang i-freeze ng ABS-CBN hanggang sa pagtatapos ng kontrata niya. Ibig sabihin ay hindi siya maaaring magtrabaho sa alin mang network hanggang sa katapusan ng 2011. Kung magmatigas pa rin si Willie at talikuran ang kontrata, malamang kasuhan na siya ng ABS-CBN ng breach of contract.

Sa ngayon, sa espekulasyon ng insider, “maaaring umabot sa P2 billion” ang puwedeng kitain ni Willie sa loob ng darating na 18 buwan—kung susumahin ang suweldo nito (na bagamat malaki kung sa malaki ay hindi raw nakakabigla), at ang kita nito mula sa sponsors ng Wowowee (na bagamat wala raw kontrata ay siyang pinanggagalingan ng bulto ng kita ng host).

Ibig sabihin din nito, sabi pa ng insider, P2 billion ang posibleng ipabayad kay Willie ng management kung kakawala na lang siya basta sa kontrata. At sa tingin ng PEP source, “kakayaning bayaran ni Willie” ang ganitong halaga, pero “hindi magbabayad si Willie ng ganyan.”

Kung sakali namang may magkainteres na network o anumang kumpanya kay Willie, kailangan nitong bilhin ang kontrata ng noontime TV host mula sa ABS-CBN. At dahil nag-invest na ng ilang taon ang network kay Willie, malamang na hindi nito ibebenta ang kontrata ng TV host ng bababa sa “P3 billion,” ayon pa rin sa ABS-CBN insider.

Ang malinaw, ayon sa network insider, “Hindi natatakot si Willie na mawalan ng trabaho sa TV. Kakayanin daw niya sa ipon niya, at siguro magnenegosyo siya.”

Kilala si Willie bilang graduate ng school of hard knocks. Isang neglected child ng mga magulang na hindi kasal, si Willie ay lumaki na marunong sa buhay-mapag-isa at buhay-kalye. Mas maraming taon ang inilagi niya sa kawalan, at alam ng publiko na nito lang nag-host siya ng Wowowee nagbago ang takbo ng kanyang buhay. Ngayon ay kinikilala siya bilang posibleng may pinakamalaking kita sa showbiz sa hanay ng mga artista.

NO OFFER FROM TV5. Magmula nang magpa-interview si Willie kay Cristy Fermin, para sa showbiz talk show ng TV5 na Paparazzi, hindi na natigil ang haka-hakang baka lumipat ng network si Willie.

Pero ayon sa isang TV5 insider, “MVP will not touch him with a ten-foot pole.” Tinutukoy nito si Manny V. Pangilinan na chairman of the board ng TV5, at sinasabing nagpa-pirate ng talents mula sa ibang networks sa pamamagitan ng pagdo-doble at pagti-triple ng mga talent fees ng mga ito.

Ayon pa rin sa TV5 insider, usap-usapan na raw kasi sa mga executive ng TV5 na kung kayang hiyain ni Willie ang kanyang ABS-CBN bosses, hindi imposibleng gawin din niya ito sa kanilang network bosses kung sakaling kunin nila ang serbisyo nito.

Sabi pa ng isang taga-TV5, nagsususpetsa na nga raw sila na “baka pinadadama kami ni Willie sa ABS.” Ibig sabihin daw ay baka nagpapataas ng presyo si Willie sa TV5 at nagpaparinig naman sa ABS-CBN na siya’y hinahabol ng kabilang network.

Nilinaw naman ng TV5 head for Creative and Entertainment na si Perci Intalan, sa exclusive interview sa PEP, na wala silang offer kay Willie. Wala na rin daw silang communication kay Willie pagkatapos ng interview nito sa TV5 shows na Paparazzi at sa Juicy.

Nagkaroon pa ng tabloid reports na nag-miting na sa Macau si Willie at TV5 bigwigs nitong mga nakaraang linggo. Pinabulaanan ito ng isang nasa kampo ni Willie. “Wala, walang ginawa si Willie sa Macau kung di matulog nang matulog. Panay paninira iyang mga balitang iyan.”

Kung papakinggan si Willie mismo, panay bali-balita nga lang daw ang mga kuwentong lilipat siya ng istasyon. Galing na rin sa bibig ng TV host, walang anumang offer na naganap at wala rin siyang balak mag-entertain ng anumang offer mula sa kahit anong network. Ang hinihintay na lang daw niya ay ang pag-uusap ng taong tinatawag pa rin niyang “Boss Gabby.” -Erwin Santiago & Jo Ann Maglipon – PEP

Advertisements