Matagal bago namin napapayag ang talk show host na si Cristy Fermin na gamitan ng tape recorder ang interview namin sa kanya sa Mga Obra ni Lola sa Scout Reyes, Quezon City. Kuwentuhan na lang daw at huwag nang interbyuhan.

Ipina-interview kasi ng Juicy ang tatlo nilang hosts dahil starting tomorrow, hindi na sila mapapanood sa afternoon time slot. But instead, primetime na rin ang daily showbiz talk ng TV5 tuwing alas-onse ng gabi.  Bukod pa rito, makakasama na rin nina Cristy, Alex Gonzaga at IC Mendoza ang bagong Kapatid na si Mo Twister.

RECONCILIATION. Aware ang marami na hindi maganda ang relasyon noon nina Mo at  Cristy, pero bago pa man sila magkasama sa isang show, even before the pictorial, ay nagkabati na sila. At para kay Cristy, magandang addition sa kanila si Mo na kilala rin sa pagiging no-holds-barred when it comes to giving his opinions and interviewing stars.

Ayon kay Cristy, “Kung init at init ng pagkokomento ang pag-uusapan, siguro ay wala nang iinit pa sa kanya sa liga ng mga kalalakihan, di ba?

“Talagang si Mo, e, ang dila rin niyan, minantikaan,” nakangiting pahayag niya.

Paano sila nagsimulang maging okey ni Mo?

“Pictorial pa lang, nagkausap na kami.  Walang sorihan. Walang nagsabi ng sorry kahit kanino, titigan lang, tapos, yakap.”

So, posibleng mas magiging maanghang pa ang programa nilang Juicy sa pagpasok ni Mo?

“Naman! Juicier than ever.  Si DJ Mo pa, sinilihan ang bibig niyan.  At wala siyang pakialam kung may magalit. Parang ikinabubuhay niya yung galit. Maraming nagagalit, mas buhay ang career niya.”

JUICY GETS JUICIER. Natutuwa ang talk show host na sa araw-araw nilang pag-ere noon tuwing hapon, halos nagiging source of issues and news na rin ang show nila.

“Ito ang programang walang promo. Ito ang programang opinion kung opinion.  Ito ang programang walang iniingatan. Walang iniiwasan. Walang imaheng pinapangalagaan. Pero hindi naman bastos, di ba?”

Nakangiti nitong sinabi, “Walang ka-pressure-pressure magtrabaho sa TV5. Walang pressure. Para lang naming ginagawa nang maayos.  Ang atake lang kasi, iba. Di ba, kapag nasa ibang istasyon ka may mga kontratadong personalidad, siyempre, palagi mong iniisip na, ‘Naku, hindi puwedeng gawin ‘to, masisira si ganyan. Naku, hindi puwedeng ganitong komento, makakaapekto sa karera ni ganyan…’ Kami, walang ganun. Walang pasintabi.”

Sa pag-change time-slot ng Juicy, mukhang head-on na sila ng mga dati niyang kasamahan na sina Boy Abunda at Kris Aquino sa Showbiz News Ngayon. Anong masasabi niya rito?

“Hindi ko kasi alam kung ano talaga ang desisyon ng management kung bakit inilipat ang programa. Basta ang alam ko, noong napanood nila ang Juicy ngayon, nanghihinayang sila sa material kung bakit nasa pang-hapon lang.  Kailangan daw nasa primetime kung kailan ang ating mga kababayan na mula sa traffic ay nakauwi na. May panahon nang manood. Kasi, ang daming nagre-request na sana may replay sa gabi.”

May dapat bang ikatakot sa kanila ang katapat na show?

“Dyusko, e, wala nang balahibuhan ‘to. Walang ganun. Magkaiba lang siguro ng atake. Pero yung pananakot na heto na kami, wala yun, wala sa bokabularyo yun.”

WILLIE MOVING TO TV5? Bilang isang taong masasabing pinakamalapit kay Willie Revillame, tinanong namin si Cristy kung kumusta na ang controversial TV host.

“Nasa Macau si Willie. Nagpapahinga kasama ang mga kabarkada niya pati si Governor Chavit Singson.  Parang isang paraan ng paglimot sa anumang nararamdaman niya ngayon.”

Kinumpirma nga nitong masama talaga ang loob ng TV host. “Masama,” diin niya.

May balitang lilipat na raw ito sa TV5?

“Hindi ganun kadali ang paglipat sa TV5. Isang mahabang proseso ito. Paano ka lilipat sa isang istasyon na hawak ka pa rin ng istasyong kinabibilangan mo. Hindi ganun kadali yun.”

May negosasyon bang nagaganap?

“Wala… wala…” mariin niyang sagot.

Pero sa ngayon, ano ang talagang plano ni Willie?

“Dalawang bagay lang. It’s either na magpasa siya ng letter of release.  Ang question, tanggapin o hindi ng istasyon, yun ang dapat paghandaan. Kasi, sa punto de vista ng isang negosyante, ako ang ABS-CBN, hindi ko papakawalan si Willie Revillame. Bulsa siya. May lamang pera ‘yan. Napakalaki ng kinikita ng ABS-CBN mula sa Wowowee.

 

“Pero, kung talagang na-touch ang ego ng pamahalaan dahil nga sa sinasabing hinamon sila—although of course, we don’t challenge the government, ‘ika nga, or the station—pero kung talagang ang ego nila ay nasaktan or pride nila nadungisan, hindi nila tatanggapin si Willie, parang ganun.”

“KAILANGAN MONG MAG-SORRY.” Right after isiwalat si Willie on the air ang kanyang sama ng loob, nakausap raw ito ni Cristy. Anong advice ang ibinigay niya rito?

“Ako, harap at talikuran, sinabi ko sa kanya, kung ayaw mong mag-sorry kay Jobert [Sucaldito], maiintindihan ko dahil sinasaktan ka kamo ng isang taon na. Pero ako kasi ‘kako, ang katuwiran ko, ‘We don’t challenge the station. Kapag nakatayo ka sa studio, matindi ang sikat ng araw, hindi ka napapaso, hindi ka nasusunog. Kapag malakas ang ulan, hindi ka nababasa kasi may bubong. May bubong ng ABS na yumuyungyong sa ‘yo. Kailangan mong mag-sorry.’ Hindi siya kumikibo. ‘Kailangan mong mag-sorry dahil hindi mo ginaganun ang nagpapala sa ‘yo.’”

Sa mga sinabi niya rito, nakikinig naman si Willie?

“Nakikinig… pero, hindi siya nagkokomento. ‘Sobra na kasi akong nasaktan,’ sabi niya.  Sabi niya, ‘Mula sa stampede, Wilyonaryo, maling bahay na ibinigay sa contestant. Lahat na lang, ako ang may kasalanan. Ako ang humaharap. Hindi naman sila.’ Yun ang sinabi niya.

“‘Noong pumasok ako diyan, walang butas ang puso ko. Ngayon, dala-dalawa ang butas ng puso ko. Yung ganito, ang dami kong sakit. Parang nag-iipon lang pala ako ng pampaospital ko balang-araw.’”

So far, wala pa raw siyang alam na mangyayari or mapagdedesisyunan ni Willie. Ang alam lang daw niya, ngayong Linggo ng hapon, dapat ay nakabalik na ito from Macau.

“Depende yun sa mga taong nakakausap niya. Kapag ang nakakausap niya ay kami na mga nagpapalambot at nagiging tulay, babalik ‘yan. Pero, may mga nagsusulsol na, ‘Huwag kang bumalik diyan, ginagamit ka lang nila, sila ang kumikita,’ yung ganyan. Twenty-five million a month, hindi pa ba pagkita yun?”

Galit pa ba si Willie kay Jobert?

“Ang sabi niya, noon daw panahon kasi na naibulong sa kanya ni DJ Coki na binanatan siya—isa pa naman kasi itong DJ Coki na ‘to—kung ako nga, ang tagal ko nang nababasa ang Bandera, hindi ko naman sinasabi. Yun ang panahon na galing siya sa Rockatropa ni Villar, may migraine, masakit ang katawan, noong sabihin sa kanya yun… Alam niyo naman si Willie, may mga pagkakataon na hindi kayang hawakan ang emosyun kapag pagod na pagod, pressure na pressure.”

NO COMMENT. Halata namang iwas at ayaw ni Cristy na magbigay ng anumang komento when we asked kung nagkita at nagkausap na sila ni Boy Abunda at kung ano na ang lagay nila ni Kris.

Sa halip na sumagot, nasabi na lang niyang, “Kumain na ba kayo? Kumain na kayo…?” -Source: PEP

Advertisements