Matagumpay na nairaos ang isa na namang pagbibigay-parangal sa Pelikulang Pilipino sa katatapos lang na 7th Golden Screen Awards, kagabi, May 5.

Smart casual ang attire na nakasaad sa imbitasyon ng Entertainment Press Society, Inc. (Enpress) kaya’t walang magagarbo o mabobonggang kasuotan na nakita nung gabing yun sa mga artistang nagsidating sa pinagdausang Teatrino Greenhills Promenade sa San Juan City.

INDIE POWER. Halos lahat ng nagsipagwagi ay galing sa independent film productions tulad ng DDP Events & Ent. Productions / ATDEntertainment (Dukot), Venezia 2009 (Engkuwentro), Spring Films Productions (Kimmy Dora), Legalas Entertainment Productions (Sagrada Familia), Bente Singko Mil Productions (Last Supper No. 3), at Swift Productions (Kinatay and Lola). (See the complete list of winners below)

Sa kabilang banda, anim na pelikula lang mula sa malalaking produksyon ang nagkaroon ng mga nominasyon sa Golden Screen Awards para sa taong ito: In My Life (Star Cinema Productions), You Changed My Life (Star Cinema Productions-Viva Films), Mano Po 6: A Mother’s Love (Regal Films), Shake, Rattle & Roll XI (Regal Films), Ang Panday (GMA Films-Imus Productions), at Ang Darling Kong Aswang (OctoArts Films-APT Entertainment).

Ang tinanghal na Best Motion Picture for Drama ay ang Kinatay mula sa Swift Productions, habang sa Musical or Comedy category naman ay ang Ded Na Si Lolo ng APT Entertainment.

Best director naman ang 2009 Cannes Film Festival best director na si Brillante Dante Mendoza para sa Kinatay, laban sa mga beterano nang sina Joel Lamangan (Dukot), Olivia Lamasan (In My Life), Soxy Topacio (Ded na si Lolo), at box-office director na si Cathy Garcia Molina (You Changed My Life). Kasama rin ni Dante sa nominasyon ang kapwa film direction newbie na si  Pepe Diokno (Engkuwentro).

Mga performances mula sa mga indie films din ang nagkamit ng mga major acting awards.

Parehong first-time winners bilang Best Actress sina Iza Calzado at ang komedyanang si Eugene Domingo. Si Iza ay nagwaging Best Actress-Drama para sa kanyang pagganap sa Dukot, samantalang si Uge (palayaw ni Eugene) ay nanalong Best Actress-Comedy or Musical para sa kanyang dual role sa Kimmy Dora.

Best Performance by an Actor in a Leading Role ang napunta kay Coco Martin (Kinatay) sa Drama category at si Roderick Paulate (Ded Na Si Lolo) naman ang nanalo sa Musical or Comedy category.

Best supporting actress ang nakopo ni Maria Isabel Lopez  para sa Kinatay, habang tanging si Dennis Trillo lang mula sa isang major film production movie, Mano Po 6, ang nagkamit naman ng best supporting actor award.

SHOWBIZ AND POLITICS. Nagsimula ang gabi ng parangal sa performance ni Aiza Seguerra ng acoustic version ng “Man In The Mirror” ni Michael Jackson, kasama ang violinist na si Jonathan Urbano.

Nababagay ang kantang iyon ni Aiza sa tema ng gabi ng parangal—ang pagpupugay sa mga artista’t media personality na naghangad ng pagbabago sa lipunan sa pamamagitan ng pagpasok sa pulitika.

Sa audio-video presentation intro nga ng awards night, ipinakita ang mga larawan ng mga showbiz personality na pumasok sa pulitika, tulad nina Rogelio dela Rosa na naging senador nung 1950s, Joseph Estrada na naging San Juan mayor, senador at pangulo ng Pilipinas, at ni Vilma Santos-Recto na naging mayor at gobernador ng Batangas, at muling tumatakbo sa parehong posisyon sa magaganap na halalan sa Mayo 10.

Sa huling parangal na ibinigay nung gabing iyon, ang dating bise-alkalde ng Quezon City, senador at muling tumatakbo sa pagka-senador na si Tito Sotto ang nag-present ng awards para sa Best Performance by an Actress in a Leading Role na pinagwagian nina Eugene at Iza .

Ani Tito Sen (palayaw sa showbiz ni former Senator Sotto), sadyang mahal niya ang industriya ng Pelikulang Pilipino kaya’t nasa awards night siya at wala sa kampanya. Patunay nga ng pagmamahal niya sa industriya ay ang nauna nang involvement niya sa pagkakabuo ng Film Development Fund at ng Optical Media Board, dalawa sa mga ahensiyang nangangalaga sa kapakanan ng industriya ng Pelikulang Pilipino.

Heto ang iba pang nagsipagwagi nang gabing iyon: Kinatay (Best Motion Picture-Drama, Best Editing, at Best Sound), Ded na si Lolo (Best Motion Picture-Musical or Comedy at Best Screenplay), Lola (Best Cinematography), at Ang Panday (Best Production Design, Best Musical Score at Best Visual Effects).

Best Original Song ang “Mahal Kita Habambuhay” mula sa Dukot, habang Breakthrough Performance by an Actor naman ang nakuha ni TV5 talent na si Zyrus Desamparado mula sa Engkwentro.

Si Batangas Gov. Vilma Santos-Recto ang ginawaran ngayong taon ng Lino Brocka Lifetime Achievement Award. Yun nga lang, hindi nakadalo sa awards night ang Star for All Seasons dahil sa abala ito sa kampanya kaya ang bunso niyang anak na si Ryan Christian Recto ang tumanggap ng award on her behalf. Tuwang-tuwa namang nagpakita ng suporta ang mga Vilmanians ni Gov. Vi na pumapalakpak at may hiyawan pa habang nag-i-speech si Ryan sa stage.

FIRST TIMERS. Agaw-eksena at nagpasaya rin ng gabi ang acceptance speech ni Eugene Domingo sa kanyang unang best actress award. Marami siyang pinasalamatan na dinaan pa niya sa biro ang pasasalamat. Tulad ng pagbibiro niyang pagiging “alcoholic at pagre-rehab” ni Director Joyce Bernal (director niya sa Kimmy Dora), na binawi naman niya agad, at ang pasasalamat kina Flor Salanga at Anita Linda.

“Mabuti naman walang entry si Flor Salanga at sa drama naman si Anita Linda. Kung hindi, naku, wala na naman!” biro ni Eugene na tinawanan ng audience.

Nanalo si Flor na best supporting actress nung nakaraang taon sa Golden Screen para sa pelikulang Jay habang si Anita naman ay nasa best actress drama category para sa pelikulang Lola.

First-time best actress awardee din si Iza Calzado at halos di siya makapaniwala sa karangalang nakamit. Muntik pa siyang matapilok sa pag-akyat niya ng stage. “Nerbiyos na nerbiyos ako, grabe!” nabanggit ni Iza ilang minuto pagkatapos ng parangal nang makausap na ng press.

Hosts ng gabing iyon sina Ogie Alcasid at Arnell Ignacio. Nag-perform naman sina Zoe Sandejas, Francisbrew Reyes, PJ Valerio, Myrus, Gerald Santos, Sam Concepcion, Tom Rodriguez, Jay-R Siaboc, Guji Lorenzana, at Nico Antonio.

The Complete List of Winners:

Best Performance By An Actor In A Leading Role (Drama):

Coco Martin — Kinatay

Best Performance By An Actress In A Leading Role (Drama):

Iza Calzado — Dukot

Best Performance By An Actor In A Leading Role (Musical Or Comedy):

Roderick Paulate — Ded Na Si Lolo

Best Performance By An Actress In A Leading Role  (Musical Or Comedy):

Eugene Domingo — Kimmy Dora

Best Motion Picture:

Ded Na Si Lolo, Apt Entertainment/ Dgpi

Best Motion Picture  (Drama):

Kinatay, Swift Productions

Best Director:

Brillante Mendoza, Kinatay

Best Performance By An Actress In A Supporting Role:

Maria Isabel Lopez, Kinatay

Best Performance By An Actor In A Supporting Role:

Dennis Trillo, Mano Po 6

Best Visual Effects:

Jay Santiago, Ang Panday

Best Production Design:

Richard Somez, Ang Panday

Best Musical Score:

Von de Guzman, Ang Panday

Best Sound Engineering: 

Albert Michael Idioma, Kinatay

Best Editing:

Kats Serraon, Kinatay

Best Cinematography:

Odyssey Flores, Lola

Best Original Screenplay:

Soxie Topacio, Ded Na Si Lolo

Best Original Song: 

Mahal Kita Habambuhay, Dukot 

Lyrics By Bonifacio Ilagan

Music By Lucien Letaba

Breakthrough Performance By An Actor:

Zyrus Desamparado, Engkwentro

Lino Brocka Lifetime Achievement Award: Vilma Santos

View the complete list of nominees here

Source: PEP/Philstar

Advertisements