Matapos talunin ang mahigit isang dosenang kalaban, mahaharap ang original Pinay superhero na si Darna sa isang labang hindi malilimutan ng mga manonood — ang paglalaban ng mabuti at masamang Darna!
Hitik sa aksyon at drama ang huling gabi ng Darna mamaya. Isang naghihiganting Valentina na nasa katawan ni Serpina (Katrina Halili) ang gagawa ng paraan para patayin si Darna (Marian Rivera) matapos mapatay ng Pinay superhero ang hari ng liping ahas na si Zandro (Paolo Contis). 
Gamit ang mahiwagang tungkod ng mga ahas, hihigupin ni Valentina ang bahagi ng mga kapangyarihan ni Darna na naisalin kay Roma (Nadine Samonte). 
Ito ang magiging dahilan upang mag-transform si Valentina/Serpina bilang Darna!
Maghahasik ng lagim ang Evil Darna hanggang sa magkita sila ng tunay na Darna. Isang matinding duwelo ang magaganap! 
Sa dami ng kapangyarihang hawak ni Evil Darna, magawa pa kaya ng Good Darna na mapa­natili ang kabutihan kesa sa kasamaan?
Ito na ba ang huling laban ni Darna?
Samahan si Darna sa kanyang huling paglipad ngayong gabi sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras.

Advertisements